Thursday, August 08, 2013

Munggo Biyernes


Photo: The Happy Tummy Kitchen (Click for recipe)

Ang ginisang munggo ang isa sa mga unang ulam na natutuhan kong lutuin nung nasa elementarya pa lamang ako. Naalala ko pa nang masunog ko ang bawang dahil nakialam ko sa kuya ko na nagluluto. 

Ang ginisang munggo ang isa sa mga pinakasimpleng pagkain ng pamilyang Pilipino. Bawat lugar sa bansa may kani-kanyang bersyon ng pagluluto nito—hinahaluan ng amplaya, talong, malunggay, o talbos ng kamote at sinasahugan ng hipon, hibe, baboy, baka, manok, tinapa, o chicharon. Maaari rin itong igisa na may kamatis. Sa Laguna, natikman ko ang ginisang munggo na may sotanghon! Ito rin ay madalas ipares sa pritong isda.


Pero sa iba’t ibang klase ng luto nito, mas gusto ko ang may dahon ng ampalaya at bunga ng talong.
Mula elementarya hanggang high school ay naririnig ko na ang pagluluto ng ginisang munggo tuwing Biyernes pero hindi ko iyon pansin kaya hinahayaan ko lang. Kasi, hanggang sa tumuntong ako sa kolehiyo ay sa iba-ibang araw niluluto ni Nanay ang ginisang munggo lalo na kung wala kaming pambili ng ulam. 

Nang pumasok ko sa una kong trabaho ay saka ko napansin na ang kantina ay nagluluto ng ginisang munggo tuwing Biyernes. Naitanong ng isa kong katrabaho kung bakit nga araw Biyernes niluluto ang munggo. Dun ako naintriga sa tunay na dahilan nito.

Sabi sa akin sa isang tweet ni @aidzcabrera, “Pwede nang rayumahin dahil bukas ay walang pasok.” 

Sabagay may punto siya dun. Ang munggo ay isa sa dahilan ng pagsumpong ng rayuma sa mga nakatatandang nagtatrabaho.

Pero bakit nga ba Biyernes. Ayon sa aking pagsasalikisik, ang paghahanda ng ginisang munggo tuwing Biyernes ay dahil sa isang tradisyong relihiyoso.

Sa mga Katoliko, ang Biyernes ay araw ng pag-aayuno at kailangang mamuhay at KUMAIN nang simple gaya ng ginawa tuwing Biyernes Santo. At dahil ang munggo ang isa sa mga pinakasimpleng ulam ng Pilipino ito ang mas nagging akma tuwing Biyernes, mas akma sa simpleng pamumuhay.

Maaari namang ibang gulay o ang ibang mas simpleng lutuin ngunit ang Munggo Biyernes ay isa nang tradisyon na hindi maiaalis sa kulturang Pilipino.

2 comments:

Aidz said...

tulad sau sir mapaanung araw man ng linggo pasok n pasok parin skin ang munggo!

Daniel said...

Looks good! I want to try it! Sakit.info